top of page
  • Writer's pictureRipples Adi

Hangga't sa Muling Almusal

Isang pagsasabuhay sa mga aral ni San Ignacio

sa napapanahong pandemya

Katha ni M I E R K R I S T I A N R A Y P A C A R D O

The Ripples Publication

 

Tumitilaok na ang tandang. Sa kahel na papawirin kumawala na ang mga sinag, kinikiliti yaring talukap ng mga mata upang magbukas na. Singhot nang singhot nang malanghap ang nakakapukaw na samyo ng pritong daing at sinangag para sa almusal. Ang kundimang tumutugtog sa radyong de-baterya ay umaalingawngaw, pinupuno ng hiraya ang bawat espasyo at sulok ng salas. Isang bagong umaga na naman para sa humigit-kumulang isang daan at sampung milyong kayumangging mananahanan mula Batanes patungong Jolo. Subalit sa lahat ng mga sangkap ng isang malinamnam na Pilipinong almusal tila yata ay may puwang. Ang dati-rating abot-taingang guhit ng mga ngiti ngayon ay nabura. Ang mamang uugud-ugod kung maglako ng mainit-init pang pandesal ngayon ay hindi na mahagilap. Ang pagbangon sa umaga ay hindi kaabang-abang, hindi na kapana-panabik. Kung iisipin, umaga pa lamang subalit milya-milya na ang layo nito sa kung ano ang mayroon tayo dati bago ang pagdating ng pangkalahatang pagtatangka sa kalugusan na sumusubok sa atin sa ngayon. Paano pa kaya ang isang buong araw? Nagbago na nga. Binago na nga.

Alas siyete y medya na ng umaga, hudyat na ng paglalakbay patungo sa mga puting gusali ng mga alagad ng medisina. Sa bawat giyera o pakikidigma ay kinakailangan ng armas at kalasag. Ang armas na siyang magsisilbing sandata sa pakikipagbuno at ang kalasag na magsisilbi namang panangga sa talim ng sandata ng kalaban. Noong nasa mundong ibabaw pa ang santong si Ignacio de Loyola ay tiyak na bihasa siya sa ganitong usapin. Sa mga pagsasanay sa paggamit ng armas ay makikitaan mo ng liksi at husay. Sa pagwawasiwas ng maningning na espada hanggang sa pagsangga ng kalasag tuwing susugod ang kalaban ay talaga namang puno ng kagitingan. Kung ihahalintulad ang nakahahabag na sitwasyon ng mga Pilipinong doktor at nars sa karanasan ni Ignacio bilang sundalong ubod ng tapang ay walang kahirap-hirap na makahanap ng pagkakatulad. Maituturing na pakikidigma ang paglalakbay ng mga manggagawang ito sa lansangan patungong trabaho at masasabing hindi ito naging biro kailanman. Naging Kalbaryo ang paghahanap nila ng masasakyan sapagkat tinatanggihan sila ng serbisyo, idagdag mo pa ang pang-aalipusta at pandidiri na kanilang natatanggap mula mismo sa mga taong dating tumitingala sa kanilang propesyon. Subalit kagaya na lamang ng ginawang pagtatanggol ni Ignacio sa Pamplona laban sa mga Pransiskanong umaasam nito ay patuloy na nakikipagdigma ang mga bayaning nakakubli sa unipormeng puti, patuloy sa pakikidigma sa kalabang hindi nila nakikita. Batid nila sa kaibuturan ng kanilang mga puso na sila ay may pag-aalala at pagmamalasakit sa kapwa nila mamamayan, kung kaya’t hindi nila alintana ang pagod at talim ng titig ng ilan, makasagip lamang ng buhay. Cura personalis kung ito ay tawagin, isang napakahalagang aspeto ng pagiging tao. Sa parehong paraan, ang ating pananampalatayang Kristiyano ay nararapat na hindi lang nakatuon sa paglinang ng isip kundi pati puso, hindi lang kaluluwa kundi pati katawan.

Mataas na ang sikat ng araw, bungad na ng tanghaling tapat. Kung dati-rati ay abala sa pagnguya sa masarap na tanghalian at maya-maya’y mamamahinga saglit bago magsimula ang panghapong klase, ngayon ay nakatutok pa rin sa kani-kanilang mga gamit-panteknolohiya. Ito na ang makabagong pamamaraan ng pagtuturo. Bitbit ang pag-asang paglinangin ang kaalaman at mga kakayahan ng kanilang mga mag-aaral, ngayon tila may mataas na pader na pumapagitna sa layuning ito upang maisakatuparan. Ang kanilang magiliw na mga ngiti at pambungad tuwing makakasalubong mo sila sa kantina, ngayon ay hindi na masisilayan pang muli ng kanilang mga mag-aaral. Tumungo ka sa mga liblib na pook ng mga bayan at nayon, at doon mahahagilap ng iyong tingin ang mga bayaning guro, nakaupo sa gilid ng kalsada, sa pag-asang makakasagap ng ‘signal’. Ang ‘signal’ na nagsisilbing tanging tulay sa kanilang paghahatid-karunungan sa mga estudyante. Hindi makikitaan ng bahid ng pagsuko ang mga gurong minsan na nating itinuring na pangalawang mga magulang. Bigay nang bigay hangga’t may maibibigay. “Ang magbigay ng ayon sa nararapat”, ito ang kanilang pinanghahawakan na bumubukod sa kanila mula sa nakararami. Tunay ngang sinasalamin nila ang magis na ikinintal ni Ignacio sa ating diwa. Ang birtud na isang napakalaking salik sa kanilang pagkakakilanlan bilang mga tagapaghatid karunungan.

Nakakatindig-balahibo na ang sipol ng hangin. Si Haring Araw? Humimlay na. Isang araw na naman ang nalalapit nang mamaalam. Ang maliit na kamay ng orasan ay ilang saglit na lang bago tumama sa numerong labindalawa. Ang nakasinding mga ilaw sa bawat tarangkahan ay pinagpasyahan nang patayin. Ang mga asong kanina’y walang habas sa pagtahol ngayon ay humihilik na rin. Pagod na nga ang lahat. Subalit ang kumpol ng kalalakihang ang mga uniporme’y kinulayan ng mga parisukat na luntian, puti, at itim ay nakabantay pa rin sa bawat kanto. Bawat behikulong labas-masok sa lansangan ay kanilang pinagmamatyagan. Tila hindi alintana ng mga sundalong ito ang kanilang mga pilik-matang bahagyang dumadausdos, bunga ng ibayong pagod at antok. Nakakapanlumo kung isaisip na dati-rati ay hindi magkamayaw ang kanilang mga paslit sa pag-aabang sa kanilang pag-uwi, ngayon ay mas madalang ang kanilang pagkikita. Nakabalot man sa matigas at matatag na pigura subalit sa loob nakakubli ang malambing na mga haligi ng tahanan tuwing pamilya na ang usapin. Ang walang humpay na paglilingkod sa bayang sinilangan ang kanilang sinumpaang tungkulin bilang tagapagpatupad ng batas. Walang pag-aatubiling inuuna nila ang seguridad ng nakararami bago ang mga pansariling kapakanan. Taos-puso nilang isinasabuhay ang aral na ibinahagi ni Ignacio, at iyon ay maging tao para sa iba: ang pagbuklod sa nakararami sa ilalim ng paglilimi sa kung ano ang ikakabuti at ikakaluwalhati ng Poong Maykapal.

Tunay ngang binago ng pandemya ang mukha ng ating pansariling pakikidigma. Sa bawat pagtama ng mga kamay ng orasan sa mga numerong nakapalibot dito ay may pagbabagong nagaganap. Ang mga pagbabago sa sistema ng mga manggagawang Pilipino ay isa lamang sa napakaraming pagbabagong dulot ng pangkasalukuyang krisis sa pangkalahatang kalusugan. Ang mga bagay-bagay ay hindi na tungkol sa ‘ngayon’ kundi sa ‘dati-rati’. Tila ba ang mga pagbabagong ating natungyahan sa mga nagdaang buwan ay tinanggalan natin ng saysay, tanging mga pagbabago na lamang, hindi pagbabagong “makabuluhan”. Si Ignacio at ang kanyang mga aral ay mananatili sa balintataw ng ating paglilimi, at pagbibigyang-kulay ang mga pagbabagong hindi man natin makita ang kagandahan sa ngayon, tiyak bukas-makalawa ay magbibigay liwanag sa libu-libong pagtatanong at takot na sumubok sa atin.

Sa muling pagtilaok ng tandang, sa muling pagkiliti ng sinag ng araw sa talukap ng iyong mga mata, sa muling paglanghap mo ng samyo ng pritong daing at sinangag, hanggang sa muling pagtugtog ng kundiman sa de-bateryang radyo: hindi man bukas o sa susunod pang mga araw, nakakatiyak ako na ang umagang iyong masusumpungan ay magiging tulad na muli ng iyong nakasanayan. Ang minahal mong Pilipinong almusal ay matitikman mo na ulit nang may nakaguhit na ngiti sa mga labi. Ang pagbangon sa umaga ay muling magiging kapana-panabik at ang kasalukuyang pandemyang dinaranas mo ay magiging bahagi na lamang ng iyong mga alaala.

13 views0 comments

Recent Posts

See All
bottom of page